Ang Huling Pagkikita
Ang aming mga mukha ay halos mapaso sa init; kahit na ang gabi ay napakalamig.
Magkayapos, magkahawak ang mga kamay.
Mga matang nagkatinginan; “Bakit ba ganito ang aking nararamdaman?”
Niyakap niya ako at biglang sinabi: “Mahal kita. Pero alam mo na mas mahal ko siya. Sorry.
Alam kong mahirap intindihin. But I know all of these will make sense one day.”
Hindi ko kaya. Parang sasabog ang dibdib ko sa dami ng emosyon na lumalangoy sa loob.
Para akong sumakay sa roller coaster ng sampung beses at biglang nahulog sa building na may tatlumpung palapag.
“What are you saying?”
Wala na akong maintindihan sa nagaganap. Lumulutang ako kasama ang buo kong bigat.
“I’m sorry. Thank you for everything. I love you.”
Apat na taon na pala ang nakalipas. Walang mulat, siya parin ang laman ng aking isip. Kamay niya parin ang aking hinahanap, ang mundo ko ay isinisigaw parin ang kanyang pangalan. “Bakit di ko siya makalimutan?” Mukha niya ang nasa isip ko habang patungo sa simbahan. “Ito na siguro ang tamang panahon para simulan ko ang pagbura sa alaala na ginawa naming dalawa.”
Habang tinatahak ko ang daan patungo sa altar, ang pulang sapin ay parang sinasalubong ako ng buong saya. Kakaunti ang nakaupo ngunit tila ang mga mata nila sa akin ay nagbabanta. Mga santong pumapalibot sa buong lugar, nakakatakot pala sila kung pagmamasdan mo ang buhay sa kanilang mukha. Pero walang mas nakakagulat pa sa realisasyong maari pa pala kami muling magkita.
Nandoon siya, buong siglang nakangiti, mainit ang pagtangap.”Nakikita niya kaya ako?” Nakaputi siya. Sa wakas, mukha na siyang masaya.
Sa simbahan kami unang nagkita. Apat na taon na ang dumaan. Andito ako, nandiyan siya. Kakatwa talaga, “Bakit dito pa?”. Bigla ko yatang gustong isumpa ang Bathalang namagitan sa nakaraan. “Bakit kailangan mo akong kalabanin sa pagkakataong siya ang aking hinihiling?” Tingin niya ang sumalubong sa aking mukha. Sa huli, sa simbahan rin pala kami huling magkikita.
Papalapit na siya sa akin, “Bakit ako masaya?”. Hindi ko maintindihan ang sinag ng araw na tila humahampas sa aking mukha, Sana ako nalang ang krus na kanyang sinasamba. Kay tagal kong pinagdasal ang buhay na kasama siya. Pero alam ko at alam niya na diyan siya masaya. Lumuluha akong lumapit habang sa utak ko ay sinasabing “Masaya ka ba na ilaw.niya ang iyong nakikita?” Niyakap ko siya ng buong pagmamahal na tila kahit langit ay hindi matutumbasan.
Ang mga ngiti niyang kay tamis ay napalitan ng luhang tila kay pait. Nangingibabaw ang boses na tila ilang dekada ko nang hindi narinig. “Kamusta ka na? Ang tagal na nating di nagkita..” At doon nag simula ang katapusan ng lahat ng aking pagdaralita.
Comments